JEFF DILLON
Waterloo, Ontario
NILATHALA: UNHCR
PETSA: Hunyo 22, 2022
Mula sa mga painting hanggang sa alahas, alamin kung paano nangangalap ng pondo at nagpapalaganap ng kamalayan ang mga artist sa Canada para sa emergency response ng UNHCR sa Ukraine.
Binunot ng digmaan sa Ukraine ang milyon-milyong tao mula sa kanilang mga tahanan at nakuha nito ang atensyon at puso ng mga tao sa buong Canada, na naghahanap ng mga paraan upang tumulong. Ang mga artist mula sa iba’t ibang panig ng bansa na nahikayat na kumilos ay ginagamit ang kanilang malikhaing talento upang suportahan ang mga napilitang tumakas. Kilalanin ang ilan sa mga mahabagin at mapagmalasakit na artist at alamin kung bakit sila nangangalap ng pondo at nagpapalaganap ng kamalayan para sa emergency response ng UNHCR sa Ukraine, isa sa pinakamalalaking krisis sa sapilitang paglikas ng mga tao sa mundo ngayon.
Solidarity
Noong Pebrero 2022, pinanood ni Jeff Dillon, isang artist na nakabase sa Waterloo, Ontario, nang may tumitinding pangamba ang pagsalakay sa Ukraine sa balita. Lubos siyang naapektuhan ng pagkawasak ng buhay ng mga tao habang milyon-milyon ang tumatakas patungo sa mga hangganan upang makaligtas sa digmaan. Dahil nahikayat na kumilos, lumikha si Jeff ng isang painting bilang suporta sa Ukraine: isang bukirin ng mga sunflower sa ilalim ng bughaw na kalangitan, at pinamagatan niya itong “Solidarity”.
“Habang ipinipinta ko ang ‘Solidarity’, naisip ko ang mga mamamayan ng Ukraine. Nais kong maging maganda at puno ng pag-asa ang larawan. Nang matapos ko ang painting, nakadama ako ng sigla at pasasalamat sa pagkakataong gamitin ang aking sining upang makatulong sa iba. Sa kabila ng tunay na mga hangganan ng ating mga bansa, lubos akong naniniwalang walang hangganan ang kawanggawa.”
Sinabi ni Jeff na naudyukan siyang makalikom ng pondo para sa UNHCR dahil sa kilalang kasaysayan nito ng pagtulong sa mga refugee at pagtatanggol sa mga karapatang pantao sa buong mundo. Mahalaga para sa kanya na ang mapipili niyang kawanggawa ay pamilyar sa mga isyung ito, kayang pakilusin ang kinakailangang pandaigdigang suporta, at makapagtrabaho kasama ang mga kalapit na bansa upang mabilis na tumugon. Nagdaos siya ng auction para sa “Solidarity,” kung saan gagamitin ang nalikom na pondo upang suportahan ang emergency response ng UNHCR sa patuloy na krisis sa Ukraine. Buong-lakas na tumugon ang mga tagasuporta: ibinahagi nila ang link sa site at bumili ng mga print at card ng artist. Halos $20,000 ang nalikom ng auction para sa pagtugon ng UNHCR sa Ukraine.
“Ganito nakapagpadala ng tulong sa mga mamamayan ng Ukraine ang isang maliit ngunit matatag na grupo ng mga mahilig sa sining at isang determinadong artist,” sabi ni Jeff. “Lubos akong nagpapasalamat sa kanilang tulong sa paggawa ng donasyong ito sa UNHCR.”
Alamin pa ang tungkol kay Jeff at sa kanyang mga likhang-sining sa jeffdillon.ca
Mag-download ng PDF ng orihinal na artikulo: Artists-across-Canada-show-support.pdf
Link sa orihinal na artikulo: https://www.unhcr.ca/news/artists-across-canada-show-support-for-ukraine




